Isa sa mga sikat na pagkaing matatagpuan sa probinsya ng Pampanga ay ang palaka. Sa aming lakbay-aral noong nakaraang Pebrero, nagkaroon ako ng pagkakataong makatikim at makakain ng nasabing exotic food. At hindi lamang ang pag-kain ng palaka ang hindi ko malilimutan, kundi pati ang mismong paghahanda at pagluluto nito ay aking ring nasaksihan. Narito ang nakuha kong video na nagpapakita ng buong proseso ng pagluluto ng masarap na palaka.
Ayon sa mga naririnig ko noon, ang palaka raw ay lasang manok lamang at hindi naman ganoon ka-espesyal. Ngunit nang ako na mismo ang nakalasa ng laman at karne ng palaka ay masasabi kong hindi lang iyon basta tulad ng sa manok. Para saakin may pagkahalong lasa ng karne ng manok at isda ang palaka. Masarap siya kahit isang hita lang nito ang natikman ko.
Kabilang sa aming requirements sa kursong Art Studies 2 ay ang makagawa ng isang output tungkol sa aming lakbay-aral sa Pampanga. At ang napili kong gawan ng isang malikhaing “work of art” ay ang mga kinain kong palaka. Ako ay nakagawa ng isang tula. Ngunit ang tulang ito ay hindi tumatalakay sa aking karanasan o naramdaman nang ako’y makatikim ng palaka. Ang paksa at ang bida sa tulang ito ay ang mismong mga palaka. Narito at tunghayan ninyo ang aking tula.
"Kokak, Mahal kong Palaka"
Papalubog na ang araw,
Kumikinang na ang kalawakan.
Ang damdamin ko’y umaapaw,
Naghihintay na sa ating tagpuan.
Ako’y naka-handa nang
Aminin ang pag-ibig na lihim,
Ilabas ang lahat ng nadarama.
Nasan ka na? Malapit na magdilim.
“Kokak!” ayan na ang magandang tinig.
Hindi na ako makapaghintay,
Buong katawa’y nanginginig,
Sasabihin na sayo bago pa mawalay.
“Mahal kong palaka, ika’y sumama na sakin,”
Sambit ko sa kanyang mga matang nagniningning.
At walang anu-ano’y sinagot nang mataimtim,
“Ikaw ang nais makasama sa pagtulog at paggising.”
Lubos ang aming ligaya kaya’t napatalon,
Nagpalutang-lutang sa sapa at lumangoy.
Magkahawak-kamay sabay kaming umahon,
At may narinig na taong tumaghoy.
Kami’y kinabahan at nagsimulang tumakbo,
Tumalon ng mataas, ng mabilis at malakas.
Ngunit biglang napatid ang kapit ng mahal ko,
Nadulas sa isang bato, nahuli’t di na nakatakas.
Sa isang supot ang aking giliw ikinulong;
Kay bilis na parang ihip ng hangin.
Gustuhin ko mang humingi ng tulong,
Walang magagawa pagka’t nahuli na rin.
Ang lupit ng tadhana sa aming dalawa!
Kung kailan sana’y malaya nang magsasama,
Saka pa pinaghiwalay nang walang awa
Ng taong nais lang mapunan ang sikmura.
Paglipas ng umaga’y inilabas kami sa supot;
Muling nagtagpo ang mga matang madilim.
Nagyakapan at tinuloy ang anumang naudlot,
Habang iniliipat kami sa isang mangkok na malalim.
Sabay kaming nagtanong, “Nasaan tayo?”
Nasaan ang mga puno’t sapa, ang maliwanag na langit?
Ang daming nakapaligid, mga nagsisiksikang tao.
Pakiusap ang irog ko’y huwag bibigyang pasakit.
Pinipilit kong tumalon ngunit wala talaga,
Tila naubos na ang lakas at pag-asang makaligtas.
At sa gitna ng aking pakikibakang lumaya,
Isang malaking kamay ang sa aking irog ay pumitas.
“Kokak! Huwag!” aking sigaw ng matindi.
Hindi maaari, huwag ang aking mahal,
Dapat ako nalang ang pinili!
Bakit biglang kukunin ang hinintay ko ng kay tagal?
Wala akong magawa kundi ang lumuha;
Kinuha niya ang matalim na kutsilyo,
Sinakal niya ang aking prinsesa
Na pinipilit pang pumiglas ngunit… pinugot na ang ulo.
Ang mundo ko ay biglang natigil,
Nasaksihan ang pagpaslang sa mahal.
Nagagalit, ngayon ako’y nanggigigil;
Isunod niyo na’ko agad, ayoko na magtagal!
Walang awang tinanggal ang puso’t kalamnan,
Hinubaran ng walang kahirap-hirap;
Pinutol ang mga kamay na dati kong hinahawakan.
Tanggap ko na rin ang aking hinaharap.
Pinagmamasdan ka ng mga taong nakapalibot,
Sa kumukulong mantika ika’y inilagay.
At nang ako naman ang kanyang pinulot,
Manhid na sa sakit, kay bilis na nasanay.
“Kokak,” ang huli kong sambit,
Bago dumikit ang talim ng kutsilyo sa ulo.
Mahal kong palaka, maghintay lang at kumapit.
Susunod na ako, magkakasama na tayo.